Ang Altar (Pagsasalin)

 

May-akda: Humberto Ak’ abal
Isinalin ni: Justin Ivan Kyle J. Sanchez

Sinindihan ng mga anino
ang kanilang mga kandila.

Nagsilbing gabi
ang altar,

Nagsilbing katahimikan
ang panalangin

At sa ilang mga sandali
bago magbukang-liwaylay,

Sa isang katiting na bulong
pinatay ng hangin ang mga ningas.

 

Untitled

untitled

Patay-sindi, patay-sindi. Ito ang bumbilya ng ating pagkakaibigan. Minsa’y nag-aaway, minsa’y nagpipikunan, pero laging maaasahan. Ika’y anghel, ako’y kampon ng demonyo, tila’y nagkakasunduan. Isang nilalang na hindi ko malilimutan.

Ihip ng hangin
Inilapit ka sa’kin
Tuwa’y ‘di malihim

Mga ulap na dati’y kulay puti, ngayo’y naging kulay abo. Tila nag-iba ang simoy ng pagkatao mo. Nakahanap ka ng mga taong mas tumugma sa kung ika’y sino. Unti-unti na akong naglalaho. Patak ng oras na lang ang hinihingi ko, ngunit wala ng lumabas sa gripo.

Ako’y isang lobo
Na pinakawalan ng kamay mo
Dumistansya ako

Minsan tayo’y biglang nagtatagpo. Mukha ko ay aking tinutungo, ngunit binabati mo ako na parang walang nangyaring delubyo. Pilit na pilit ang mga ngiti ko. Lungkot ko ay aking sinisikreto. Masakit isipin na ang dating malalim na kwentuhan ay naging mababaw na batian na lamang.

Sinubukan kitang alisin sa aking sistema. Ngunit sa bawat lugar na aking puntahan, naalala ko ang bakas ng ating samahan. Paano kaya kita makakalimutan?

 

(Photo from https://www.lovesove.com/tag/wallpapers-of-broken-friendship/)

Panyo

panyo2

Ako’y isang panyo
Nakatira sa sulok ng kuweba ng pantalon
Sumisilip sa tuldok na liwanag
Naghihintay sa haplos ng iyong kamay

Bigla mo akong hinigit
Ako nga ba’y iyong ginamit
Sinalo ko ang umaapaw na tubig
Na mula sa mata ng aking iniibig

 

(Photo from http://strangersandunbrokenangels.blogspot.com/2013/01/panyo.html)

Silid

silid

Isang maliit na silid. Mainit. Punong-puno ng mga mukha ng tao. Bumisita ako sa lugar na madalas kong puntahan.

Agos ng pawis
Dumaan sa aking mata
Impyerno

Ilang silya na ang aking nadaanan, ilang mukha na ang aking nalagpasan. Paa ko’y pilit kong pigilan. Mukha ko’y di maipinta.

Aking mata
Nakatingin sa magandang dilag
Isang diwata

Aking bibig
Sana masabi
Mahal kita

 

(Photo from https://www.flickr.com/photos/seeyoufuture/11967189304/lightbox/)