Featured

Introduction

intro

(Photo from https://feed.org.ph/about/origins/)

Ako si Justin Ivan Kyle J. Sanchez. Ako po ay isang mag-aaral ng BS Industrial Engineering sa Unibersidad ng Pilipinas – Los Banos. Kung tatanungin niyo ako, wala talaga akong hilig sa isang partikular na bagay pero mahilig lang ako gumawa ng mga kung ano-ano, pati siguro mga tula, kaya susubukan ko.

Sa bawat kategorya ng Dramatic Poem, Concrete Poem, Sound Pattern Poem, Haiku at Haibun, lilikha ako ng dalawang piyesa para sa inyo. Huwaw!

Ang inspirasyon ng piyesa ko ay pitompung porsyento tungkol sa matalik kong kaibigan na nawala at tatlompung posyento tungkol sa iba’t-ibang bagay, pag-ibig man o sirang pangarap. Inspirasyon talaga sa akin ang mga personal na bagay na nangyari sa akin, kasi kung hindi ko ito hinugot dun, wala talaga akong maisusulat – ibig sabihin kung hindi ko gusto o hindi ko interest o kaya naman hindi ko naranasan, hindi maganda yung pagkakalikha nung tula, totoo ito (haha). Ito na ang ilang maiksing deskripsyon tungkol sa mga tulang aking nilikha:

UNANG PANGKAT NG MGA TULA

Yeso (Dramatic Poem)

Ang Yeso ay tungkol sa pagkawalan ng interes na mabuhay. Sawa ka na sa lahat dahil sa tingin mo ganito nalang lagi ang mundo – nawalan ka na ng pag-asa na magkakaron ng mabuting kinabukasan. Isa ka na lang bang yeso sa ilalim ng pisara?

Friendship (Concrete Poem)

Habang umaagos sa dagat ng kasiyahan, kwentuhan at kulitan, magkakaroon ng isang punto sa iyong samahan na maglalaho na lahat ng mga araw na iyon na parang malalaman mo nalang na unti-unti nang lumulubog ang iyong samahan.

Harumba Rumba-ha (Sound Pattern Poem)

Harumba Rumba-ha, ang sigaw ng tribo, ang iyong nararamdaman ay ilabas mo na. Ano nga ba ito, bakit ka naluluha? Bakit ka’y hirap pigilan at iwasan?

Baso (Haiku)

Naranasan mo na ba, sa iyong hindi pinaka-aasahan na segundo, masisira lahat ng pangarap mo? Ang daan na dapat tinatahak mo ay nasira na! Ano ang susunod mong hakbang?

Silid (Haibun)

Isa itong pag-alala sa aking naranasan noong ika-apat kong taon sa Hayskul. Nagkagusto ako sa isang babae, at ito ang pinaka-unang pagkakataon na umibig ako sa buong buhay ko. Palagi ko siyang pinupuntahan sa kanyang pwesto upang magkwentuhan at masilayan ang kanyang mga ngiti. Ano kaya ang aking mararamdaman habang papalapit ko nang sabihin ang paghanga mo sa kanya?

PANGALAWANG PANGKAT NG MGA TULA

Panyo (Dramatic Poem)

Ano nga ba ang silbi ng isang panyo? Madalas itong gamitin pampahid ng mga luha galing sa iyong mga mata. Ito lang ba ay mahalaga kapag kailangan mo lang punasan ang iyong mga luha? Dun mo lang ito ginamit?

“…gusto ko lang malaman mo na kahit hindi tayo, nandito lang ako para punasan ang mga luha mo”

Eroplano (Concrete Poem)

Inibig ko siya. Binigay ko ang buong puso ko, buong buhay ko. Subalit, bakit parang ang bilis? Nawala ka lang parang bula. Dumaan ka lang bigla sa buhay ko.

Hala-bira Sisbumba (Sound Pattern Poem)

Hala-bira Sisbumba – ang sigaw ng mga batang naglalaro sa lansangan. Isa itong tula tungkol sa dalawang taong nagmahalan, ngunit kailangan nilang malaman na lahat ng tao nagbabago.  Hindi sa lahat ng panahon, bata ka na nakikipaglaro, kailangan mong malaman na nagbabago ang lahat.

Daan (Haiku)

Sa bawat pagkakataon, naniniwala ako sa tadhana – kung para sa iyo siya, para sa iyo talaga. Maghiwalay man kayo ng landas, magkikita pa din kayo sa dulo – dahil, para sa iyo talaga siya!

Untitled (Haibun)

Ito ang pinakapersonal kong tula na naisulat. Nasaktan ako sa taong dumating sa buhay ko na hindi ko inaasahan, pero umalis din ng hindi ko inaasahan. Ito ay ang matalik kong kaibigan. Iba kasi ang pagtuturing ko sa matalik kong kaibigan, tinuturing ko siyang kapatid. Dahil sa bahay, hindi man ako nakaranas makipagkwentuhan, makipagbiruan, makisama sa aking kapatid, para kaming nasa magkahiwalay na mundo. Sinubukan ko siyang kalimutan, pero sa lahat ng pagkakataon, pinagtatagpo kami ng tadhana. Hindi ko na kaya, iba ang bigat ng damdamin kong makita siya. Naalala ko lang lahat ng pag-iwan niya sa akin.

 

Ang Altar (Pagsasalin)

 

May-akda: Humberto Ak’ abal
Isinalin ni: Justin Ivan Kyle J. Sanchez

Sinindihan ng mga anino
ang kanilang mga kandila.

Nagsilbing gabi
ang altar,

Nagsilbing katahimikan
ang panalangin

At sa ilang mga sandali
bago magbukang-liwaylay,

Sa isang katiting na bulong
pinatay ng hangin ang mga ningas.

 

Untitled

untitled

Patay-sindi, patay-sindi. Ito ang bumbilya ng ating pagkakaibigan. Minsa’y nag-aaway, minsa’y nagpipikunan, pero laging maaasahan. Ika’y anghel, ako’y kampon ng demonyo, tila’y nagkakasunduan. Isang nilalang na hindi ko malilimutan.

Ihip ng hangin
Inilapit ka sa’kin
Tuwa’y ‘di malihim

Mga ulap na dati’y kulay puti, ngayo’y naging kulay abo. Tila nag-iba ang simoy ng pagkatao mo. Nakahanap ka ng mga taong mas tumugma sa kung ika’y sino. Unti-unti na akong naglalaho. Patak ng oras na lang ang hinihingi ko, ngunit wala ng lumabas sa gripo.

Ako’y isang lobo
Na pinakawalan ng kamay mo
Dumistansya ako

Minsan tayo’y biglang nagtatagpo. Mukha ko ay aking tinutungo, ngunit binabati mo ako na parang walang nangyaring delubyo. Pilit na pilit ang mga ngiti ko. Lungkot ko ay aking sinisikreto. Masakit isipin na ang dating malalim na kwentuhan ay naging mababaw na batian na lamang.

Sinubukan kitang alisin sa aking sistema. Ngunit sa bawat lugar na aking puntahan, naalala ko ang bakas ng ating samahan. Paano kaya kita makakalimutan?

 

(Photo from https://www.lovesove.com/tag/wallpapers-of-broken-friendship/)

Panyo

panyo2

Ako’y isang panyo
Nakatira sa sulok ng kuweba ng pantalon
Sumisilip sa tuldok na liwanag
Naghihintay sa haplos ng iyong kamay

Bigla mo akong hinigit
Ako nga ba’y iyong ginamit
Sinalo ko ang umaapaw na tubig
Na mula sa mata ng aking iniibig

 

(Photo from http://strangersandunbrokenangels.blogspot.com/2013/01/panyo.html)

Silid

silid

Isang maliit na silid. Mainit. Punong-puno ng mga mukha ng tao. Bumisita ako sa lugar na madalas kong puntahan.

Agos ng pawis
Dumaan sa aking mata
Impyerno

Ilang silya na ang aking nadaanan, ilang mukha na ang aking nalagpasan. Paa ko’y pilit kong pigilan. Mukha ko’y di maipinta.

Aking mata
Nakatingin sa magandang dilag
Isang diwata

Aking bibig
Sana masabi
Mahal kita

 

(Photo from https://www.flickr.com/photos/seeyoufuture/11967189304/lightbox/)